-- Advertisements --

Naghain ang kampo ni dating Negros Oriental Congressman Arnolfo Teves Jr. ng writ of habeas corpus petition kasunod ng muling pag-aresto sa kaniya sa Timor-Leste.

Sa isang online briefing, inihayag ng legal counsel ni Teves sa Pilipinas na si Atty. Ferdinand Topacio, sakaling katigan ang kanilang petisyon, dadalhin sa hukuman si Teves at kailangan na makumbinsi ng mga umarestong awtoridad ang korte kung bakit siya inaresto at kung ipapadeport siya, kailangan ding ipaliwanag ng mga ito ang basehan para sa deportation ni Teves.

Binigyang diin pa ni Atty. Topacio na naibasura na noon pang Marso ang extradition request ng gobyerno ng Pilipinas.

Inilatag din niya ang tatlong basehan para sa denial o pagbasura sa posibleng deportation ni Teves. Una ay nasa matinding panganib umano ang buhay ng dating mambabatas, pangalawa, posible aniyang pwersahin siyang sumailalim sa torture at iba pang hindi makataong parusa at pangatlo, maaaring sumailalim aniya siya sa proceedings na maaaring magdulot ng injustice sa kaniya.

Subalit sakali man aniya na ma-repatriate sa Pilipinas si Teves, sinabi ni Atty. Topacio na nakahanda ang kanilang kampo na depensahan ang dating mambabatas bilang kaniyang defense attorneys sa abot ng kanilang makakaya.

Kumpiyansa din umano sila na napakahina ng kaso ng gobyerno laban sa kanilang kliyente kasunod ng pagbawi ng testimoniya ng lahat ng mga testigo.

Si Teves ang itinuturong umano’y utak sa pagpatay kay dating Negros Oriental Gov. Roel Degamo at 9 na iba pa sa Pamplona massacre noong Marso 4, 2023.

Kinasuhan din si Arnie Teves kasama ang iba pang indibidwal sa mga pagpatay sa 3 indibdwal sa Negros Oriental noong 2019.

Ti-nag din si Teves bilang terorista ng Anti-Terrorism Council dahil sa ilang serye ng pagpatay at harassment sa Negros Oriental.