Lumobo sa panibagong record-high ang utang ng gobyerno ng Pilipinas sa pagtatapos ng Abril 2025.
Base sa datos mula sa Bureau of Treasury (BTr), umakyat sa P16.752 trillion ang utang noong Abril, tumaas ito ng 0.41% mula sa P16.68 trillion na utang noong Marso.
Ayon sa BTr, ang panloob na utang sa pagtatapos ng Abril ay nasa P11.59 trillion, tumaas ng 1.85% kumpara noong nakaraang buwan dahil sa malakas na demand para sa government securities.
Sa external debt naman o panlabas na utang, bumaba ng 2.68% o P5.16 trillion sa pagtatapos ng Abril. Pangunahing dahilan ang P124.74 billion decrease sa halaga ng peso sa panlabas na utang kabilang ang net payments na P58.28 billion.
Sa kabila naman ng paglobo ng utang, sinabi ng Treasury na patuloy na susundin ng gobyerno ang disiplinadong estratehiya nito sa pamamahala sa utang para masiguro na ang borrowings ng bansa ay sumusuporta sa mga pamumuhunan habang pinapanatili ang pananalapi.
Gayundin, sinabi ng Treasury na ang fiscal deficit ay patuloy na lumiliit at on track sa pagbaba sa 3.8% pagsapit ng 2028.
Patuloy din aniya ang mas mabilis na paglago ng ekonomiya kumpara sa mga obligasyon nito kayat nananatiling nasa tamang direksiyin ang bansa sa pagpapababa ng debt-to-GDP ratio sa below 60% sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.