-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Tiwala ang Liga ng mga Barangay sa Aklan na mapakinggan ng Malakanyang ang kanilang hinaing patungkol sa kanilang pagtutol sa panukalang tulay na magkokonekta sa mainland Malay at Isla ng Boracay.

Nauna dito, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro, ipinaalam na kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang tungkol sa panukala subalit hanggang ngayon ay wala pang pag-apruba mula sa Pangulo.

Naghihintay pa umano ang Malakanyang ng karagdagang detalye mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon kay Sangguniang Panlalawigan Ex-Officio member at Caticlan Punong Barangay Rannie Tolosa tutol sila sa naturang proyekto dahil sa posibleng epekto nito sa kalikasan at kabuhayan.

Maliban dito, na-bypass umano ang kanilang barangay gayundin ang bayan ng Malay at lalawigan ng Aklan dahil sa kawalan ng konsultasyon.

Ang San Miguel Holdings Corporation ang nagsusulong ng Boracay Bridge Project sa pamamagitan ng pagsumite ng unsolicited proposal sa DPWH noong Pebrero 14, 2018.

Sa kabila ng panukalang infrastructure development patuloy naman itong nahaharap sa kritisismo dahil sa potensyal na “environmental damage at economic impacts,” kasama ang displacement ng mga bangkero at mga trabahador sa pantalan.