CENTRAL MINDANAO – Isang lider ng New People’s Army (NPA) at dalawa nitong mga tauhan ang nasawi sa engkwentro ng militar sa lalawigan ng Sultan Kudarat.
Nakilala ang nasawing lider na si Ian Dela Rama alyas Kumander Cris, commanding officer ng Regional Operation Command ng Far South Mindanao Region at dati rin siyang secretary ng tinaguriang Front 4A North Central Mindanao Regional Committee.
Patay rin ang mga tauhan ni Kumander Cris na sina Valerio Lacumbo alyas Bitoy at Wilmer Dela Cruz alyas Dodong na myembro ng Dabu-Dabu Platoon ng South Regional Command ng Daguma Front, Far South Mindanao Region.
Ayon kay 603rd Brigade commander Colonel Michael Santos na nakasagupa ng Joint Task Force Central ang mga rebelde sa Barangay Baluan, Palimbang, Sultan Kudarat.
Tumagal ng mahigit isang oras ang palitan ng bala ng mga rebelde at mga sundalo na kinagulat ng mga sibilyan.
Umatras ang mga NPA paakyat ng bulubunduking bahagi ng bayan ng Palimbang nang dumating ang karagdagang tropa ng militar.
Narekober ng militar sa mga nasawing NPA ang dalawang M16 armalite rifles, isang garand rifle, dalawang kalibre .45 na pistola, 11 keypad cellphones, pera, power bank, mga magasin, mga bala at iba pa.
Pinuri naman ni 6th Infantry (Kampilan) Division Chief at Joint Task Force Central commander Major General Roberto Capulong ang operating troops sa matagumpay nilang operasyon na walisin ang mga terorista na sangkot sa ibat-ibang karahasan sa lalawigan ng Sultan Kudarat.
Nakikiramay naman si MGen Capulong sa mga pamilya ng tatlong NPA na nasawi sa engkwentro sa tropa ng gobyerno.
Nanawagan din si ang opisyal sa iba pang NPA na sumuko na, bumalik sa kani-kanilang pamilya habang kaya pa nila at hindi pa huli ang lahat para magbagong buhay.