Pinag-aaralan na ng gobyerno ng Pilipinas ang posibilidad ng paglikas sa mga Pilipino mula Israel patungong Jordan sa pamamagitan ng pagdaan sa Allenby Bridge.
Ito ay kung tumindi pa ang palitan ng pag-atake sa pagitan ng Israel at Iran, ayon kay Department of Foreign Affairs Usec. Eduardo de Vega.
Ayon naman kay ASec. Robert Ferrer, bukas ang naturang tulay sa Jordan sa limitadong oras lamang tuwing araw ng Linggo mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-2:00 ng hapon.
Subalit ito ay maaari lamang mangyari kung ang alert level sa Israel ay itinaas sa level 3 o 4.
Kung saan sa ilalim ng Alert level 3, ipapatupad ang voluntary repatriation habang sa Alert level 4 naman ay nangangahulugan ng mandatory repatriation.
Una na ring sinabi ng DFA na kanilang pinag-aaralan kung magpapatupad ng voluntary o mandatory repatriation sa mga Pilipino na nasa Israel. Sa ngayon kasi nasa 30,000 aniya ang mga Pilipino doon.
Samantala, naghahanda na rin ang DFA ng contingency plan para sa mga Pilipinong nasa Iran kabilang dito ang posibleng paglikas sa mga ito sa pamamagitan ng Turkmenistan.
Sa karatig namang bansa na Jordan na napapagitnaan ng magkalabang Israel at Iran, inabisuhan na rin ang nasa 41,000 Pilipino doon na manatiling alerto.