-- Advertisements --

VIGAN CITY – Kasong paglabag sa Republic Act 8293 o Intellectual Property Code, lalo na ang probisyon hinggil sa pagbebenta ng pekeng sigarilyo, ang haharapin ng isang lalaking nahuli sa entrapment operation sa boundary ng Barangay Poblacion at Barangay Nalasin, Sto. Domingo, Ilocos Sur.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan mula kay Police Captain Christopher Ramat, hepe ng Sto. Domingo Municipal Police Station, nakilala ang suspek na si Albert Rivera, 33-anyos, may-asawa at tubong San Pascual, Talavera, Nueva Ecija, ngunit temporaryong nakatira sa Barangay Villa Quirino, San Esteban, Ilocos Sur.

Ayon kay Ramat, nag-ugat ang operasyong isinagawa nila laban sa suspek sa isang intelligence report na natanggap nilang mayroong nagdedeliver ng mga pekeng sigarilyo sa lalawigan.

Nakakuha ang mga otoridad mula sa suspek ng 60 rim ng pekeng sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng P30,000.

Napatunayang peke ang mga nakuhang sigarilyo mula sa suspek dahil pare-pareho ang serial number at stamp na nakatatak sa mga kaha nito.