-- Advertisements --

Nagtalaga ang Armed Forces of the Philippines ng disaster response units (DRUs) mula sa mga pangunahing serbisyo upang iligtas ang libu-libong indibidwal mula sa mga apektadong lugar sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa gitna ng pananalasa ng Super Typhoon Egay.

May kabuuang 44,356 pamilya na binubuo ng 180,439 indibidwal ang naapektuhan ng Super Typhoon Egay sa 261 barangay sa Ilocos Region , Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol , Western Visayas, Northern Mindanao, at Soccsksargen, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Mayroon ding 2,324 pamilya o 8,917 indibidwal na dinala sa 107 evacuation centers sa mga apektadong rehiyon.

Ipinangako ni AFP Chief Gen. Romeo Brawner Jr. ang kahandaan ng mga Disaster Response Unit mula sa Philippine Army (PA), Philippine Navy (PN), at Philippine Air Force (PAF) sa pagtulong sa mga local government units sa paglikas ng mga residenteng naapektuhan ng bagyo.

Kabilang sa mga nasagip ay humigit-kumulang 100 indibidwal, kabilang ang 25 bata, mula sa Barangay Caroan sa Gonzaga, Cagayan na dinala sa pansamantalang tuluyan ng Disaster Response Unit.

Dagdag dito, 17 pamilya na binubuo ng 67 indibidwal ang inilikas ng 20th Marine Company sa Brgy. Port Irene, Santa Ana, Cagayan.

Una na rito, 31 na mga lugar sa Cagayan Valley Region ang nananatiling walang supply ng kuryente dahil pa rin sa Super Typhoon Egay.