CAUAYAN CITY- Umaabot na sa 30,000 food packs ang naipamahagi ng pamahalaang panlalawigan ng Quirino sa mga apektadong residente matapos na isailalim ang lalawigan sa Modified Enchanced Community Quarantine (MECQ).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Social Welfare and Development Officer Jun Pagbilao, sinabi niya na 64,000 families ang kanilang nabigyan ng tig-limang kilong bigas at ilang goods bilang pantawid gutom sa mga naapektuhan ang kanilang mga trabaho sa pinapairal na MECQ.
Nilinaw naman ni PSDW Officer Pagbilao na pantay pantay ang naging pamamahagi ng family food packs sa lahat ng mga residente.
Aniya, ang basehan ng pamamahagi ay hindi household o kada bahay kundi bawat pamilya.
Noong mahal na araw ay sinamantala ng mga social workers na mag repack ng mga goods na siyang dadalhin sa kani-kanilang nasasakupan.
Aminado naman si PSWD Officer Pagbilao na nagkaroon ng pagkakaantala ang pamamahagi nila ng tulong dahil naka depende sa supply na bigas ng NFA sa kanilang pamamahagi.
Una naring nagpaabot ng paunang tulong ang DSWD Central Office sa pangunguna ng DSWD region 2.