-- Advertisements --

Humigit kumulang 2,109 outbound passengers at 1,254 inbound passengers mula sa iba’t ibang pantalan sa bansa ang naitala ng Philippine Coast Guard (PCG) ilang araw bago ang Todos Los Santos ngayong taon.

Sa isang advisory, sinabi ng PCG na kabuuang 1,629 personnel ang ikinalat sa lahat ng pantalan sa buong bansa at nakapagsagawa ng inspeksyon sa 49 vessels hanggang kaninang alas-6:00 ng umaga.

Nauna nang inilagay ng PCG ang lahat ng operating units nila sa ilalim ng hightened alert status simula ngayong Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3 bilang paghahanda sa Todos Los Santos.

Samantala, magsasagawa rin ang mga tauhan ng PCG ng pagpa-patrol sa lahat ng mga malalaking tourist destinations para paalalahanan ang mga turista na sumunod sa health protocols.

Hinihimok din ang mga pasahero na makipag-ugnayan sa Coast Guard Public Affairs (0927-560-7729) sa anumang mga katanungan o paglilinaw hinggil sa sea travel protocol at regulations para sa Todos Los Santos ngayong 2021.