Muling inilunsad ng Land Transportation Office-National Capital Region-West (LTO-NCR-West) ang kanilang Driver’s Education Center (DEC) sa Metro Manila.
Layon ng naturang hakbang na matugunan ang problema laban sa mga sinasabing “kamote” riders at iba pang mga motorista na laging lumalabag sa traffic rules.
Nanindigan naman si LTO-NCR-West Director Roque “Rox” Verzosa III na kailangang ipatupad ng mahigpit ang traffic rules sa pamamagitan ng driver’s education sa road safety at awareness ng mga existing traffic rules and regulations.
Mahalaga raw na malaman ng ating mga kababayan ang kahalagahan ng road safety para maiwasan ang maraming panganib sa kalsada at gawing ligtas ang kakalsadahan para sa isa’t isa.
Ang proper driving skills, sa pamamagitan ng 15-hour Theoretical Driving Course (TDC) ay isa sa mga requirements sa pag-a-apply ng driver’s license pero ang hangarin daw ng pagtuturo sa mga drivers ay nahaharang dahil sa mahal na bayad sa pag-enroll sa mga driving schools.
Sa mga nakaraang buwan, ilang bilang ng mga LTO clients ay nagrereklamo na rin dahil sa kanilang dagdag na bayad sa pagkuha ng driver’s license.
Ito ay sa gitna na rin ng mga napaulat na report na kailangan pa ang certification mula sa driving schools para makakuha ng driver’s license.
Ang programa ay napapanahon din dahil na rin sa maraming reklamo laban sa mga tinatawag na “kamote riders”, o ang mga motorcycle riders na laging lumalabag at hindi sumusunod sa mga road safety rules.
Sakop naman ng programa hindi lang ang mga motorcycle drivers kundi pati ang iba pang mga sasakyan.
Isa ring rason kung bakit inilunsad ang naturang programa ay dahil na rin sa walang kakayahan ang iba na mag-enroll sa mga driving schools.
Sa mga gusto namang mag-enroll sa naturang programa ay maaring pumunta sa LTO-NCR-West Office at 20 G. Araneta Avenue, Barangay Sto. Domingo, Quezon City.
Ang muling paglulunsad ng nasabing programa ay sa pamamagitan na rin ng guidance bg LTO chief na si Assistant Secretary Jose Antonio “Jay Art” Tugade.