-- Advertisements --

Lusot na sa House Special Committee on Senior Citizens ang panukalang batas na naglalayong gawing libre sa mga nakatatanda ang hemodialysis, peritoneal dialysis, at iba pang kaparehong mga procedures.

Sa kanilang pagpupulong nitong umaga, inaprubahan ng komite ang House Bill 7859, o ang proposed “Free Dialysis for Senior Citizens Act,” na iniakda ni Senior Citizens party-list Rep. Rodolfo Ordanes.

Sa ilalim ng panukala, ang halagang kailangan bayaran sa tuwing magpapa-hemodialysis, peritoneal dialysis, at iba pang Department of Health-approved dialysis procedures ay ire-reimburse ng PhilHealth.

Pero ang mga procedures na ito ay kailangan isinagawa lamang sa mga PhilHealth accredited hospitals at freestanding dialysis centers.

Ang mga dialysis solutions na kabilang sa latest edition ng Philippine National Drug Formulary lamang din ang ire-reimburse.

Sakop din ng reimbursement ang mga laboratory procedures at mga supplies na kakailanganin.

Noong inihain niya ang panukalang ito, sinabi ni Ordanes na mahalagang matiyak ang kapakanan at kalusugan ng mga nakatatanda.