LEGAZPI CITY – Handa nang mai-deploy ang libo-libong mga nakapagtapos sa contact tracing training program ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), upang makatulong sa paghahanap sa mga posibleng nakasalamuha ng mga Coronavirus disease 2019 (COVID-19) patients.
Ayon kay TESDA Deputy Director Aniceto Bertiz III sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nakatanggap ang mga ito ng scholarship at allowances habang sumasailalim sa naturang training.
Kinakailangan lang aniyang ipresenta ng mga ito ang kanilang certificate sa mga local government units upang pormal na makapag-apply bilang contact tracers.
Oras na opisyal nang ma-hire bilang contact tracers, ang mga ito ang mangunguna sa profiling at imbestigasyon ng mga posibleng na-expose sa COVID-19 patients.
Samantala, nilinaw ni Bertiz na kahit pa virtual ang training ng mga ito ay magkakaroon pa rin ng face-to-face assessment upang turuan sa pagsusuot at pagtanggal ng mga personal protective equipment.
Nabatid na ang Department of Health (DoH) at local government units (LGUs) ang magbibigay ng personal protective equipments (PPEs) sa mga ito para sa kanilang tungkulin.
Samantala, para sa mga interesado pa sa naturang programa, maari umanong mag-apply ang mga naka-kumpleto ng hanggang sampung taong basic education o holder ng Alternative Learning System (ALS) certificate of completion at mayroong basic communication skills.