-- Advertisements --

Magbibigay daw ng technical support ang mga eksperto ng University of the Philippines at Philippine Genome Center sa mga local government unit na gagamit ng test kits na ginawa ng Pinoy scientists para sa COVID-19.

Ayon kay Dr. Raul Destura ng UP National Institute of Health, kasalukuyang gumagawa ng 6,000 hanggang 8,000 test kits kada araw ang manufacturer na Manila HealthTek Inc.

Ilang LGU na raw sa Metro Manila ang um-order ng murang test kits at hinahanda na para sa delivery.

Target sana ng grupo ng mga eksperto at manufacturer na lumobo ng 16,000 test kits kada araw ang ma-produce pagpasok ng Mayo, lalo na’t pinalawak na ang testing sa bansa.

May dalawang module raw na inihanda ng UP experts para sa mga first timer at may karanasan ng mag-facilitate ng test.

“Ang nire-require namin sa kanila (LGU) para hindi masayang ang test kits, once they get the accreditation to run the test, we will be there in full technical support.”

“Ang ginawa namin kasi social distancing, nag-develop kami ng teaching videos para in advance nag-aaral na sila. Para pag pumunta na yung team, one day or half a day, post-running tapos bibigyan namin sila ng profeciency tools just to make sure kung na-gets nila yung kinukuha para ma-democratize yung access ng knowledge.”

“Itong mga laboratory personnel, they’re used to handle biological samples. Ang kailangan lang idagdag yung skill sets on proper laboratory practices on doing PCR (testing) at the same time proper laboratory behaviour on biological safety.”

Natatangi umano ang test kits na dinevelop ng Pinoy scientists dahil kumpleto ang gamit nito mula sa extraction kit, viral transport medium at swabs.

May kakayahan din daw na mag-run ng test sa 25 tao ang isang test kit.

Ayon kay Dr. Destura, “one-step test” ang naturang test kit kaya tiyak na malalaman agad ang resulta, gayundin na kaya nitong tukuyin kung tama ang ginawang pag-facilitate ng medical technologist.

Kahit natagalan sa approval ng Food and Drug Administration, sigurado umano ang pagiging epektibo ng kits dahil sa pinagdaanan nitong field validation. Ibig sabihin, inayon sa sitwasyon ng COVID-19 sa Pilipinas paggamit ng test kits.

Dumaan din daw ito sa tinatawag na analytical performance test. Sa ilalim nito, tanging sa COVID-19 lang maglalabas ng positive o negative na resulta ang test, at hindi sa ibang virus sa baga.

Nilinaw naman ni Dr. Destura na ang dinevelop nilang test kits ay ibebenta lang sa mga accredited na laboratory testing facility ng DOH.

Sa kasalukuyan, 17 laboratoryo pa lang ang certified ng ahensya para sa COVID-19 testing.