MANILA – Plano ng mga local government units na magpa-alalay sa private sector sakaling magkulang sila ng tauhang magtuturok ng COVID-19 vaccine.
Ayon kay Quirino Gov. Dakila Cua, presidente ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP), may basbas mula sa Department of Health at National Task Force against COVID-19 ang paghingi nila ng saklolo mula sa mga pribadong pagamutan.
“In instant the LGUs don’t have enough personnel, we were advised to tap the private practicioners as well,” ani Cua sa isang media forum.
“DOH and the NTF has advised us na pwedeng makipag-partner sa private hospitals to enlarge the manpower of the vaccination rollout.”
Kamakailan nang lumagda ng tripartite agreement ang ilang local government units sa national government at AstraZeneca para sa supply ng COVID-19 vaccine.
Ayon kay Cua, napaalalahanan na ang lahat ng lokal na pamahalaan na maghanda ng logistics sa pagbabakuna tulad ng angkop na pasilidad, kagamitan tulad ng cold storage; at vaccination personnel.
“ULAP actively engages the various LGUs in this preparatory works that must be completed ahead of the vaccination deployment.”
Nilinaw ng opisyal na hihintayin nila pa rin nila ang gobyerno na maglabas ng guidelines kapag nangailangan sila ng karagdagang personnel sa pagbabakuna.
“That will depend kung ilan ang darating… dito sa Quirino yung dalawang ospital ang kino-concentrate muna kasi limited yung darating. Yung mga healthcare workers sa ospital, so sila muna magro-rollout for their healthcare workers.”
Sa ilalim ng Vaccine Deployment Plan ng pamahalaan, mga doktor at nurses ang nakatalaga bilang vaccinator.
Pinag-aaralan na rin ng DOH ang pagsali sa mga registered pharmacists at midwives sa hanay ng mga magtuturok ng bakuna laban sa COVID-19.