-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ipagbibigay alam sa mga indibidwal na magpapaturok ng COVID-19 vaccines ang brand na available sa vaccination sites.

Sinabi ito ni DILG Secretary Eduardo Año kahit pa inatasan na nila ang mga local government units na huwag magsasagawa ng advance announcements sa kung anong brand ang gagamitin nila sa kada araw nang pagbabakuna.

Ang direktibang ito ay kasunod na rin nang rekomendasyon naman ng Department of Health.

Iginiit ni Año na lahat ng mga bakuna na available sa Pilipinas sa kasalukuyan ay dumaan sa masusing approval process kaya masasabi aniya nilang ligtas at epektibo ang mga ito.

Ayon sa kalihim, ipagbibigay alam sa magpapabakuna ang brand na gagamitin sa kanila at sa oras na tumanggi ito ay kailangan ulit nitong pumila sa pagkakataon na gustuhin ulit nitong magpaturok ng COVID-19 vaccine.

Binigyan diin ni Año na ginagawa lamang ito ng pamahalaan para maiwasan na maulit ang pagdagsa ng maraming tao na nangyayari kapag inaanunsyo ng maaga ang brands na gagamitin sa mga vaccination sites.