-- Advertisements --

Nakapagbakuna na ng halos dalawang milyong tao ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila kontra COVID-19.

Batay sa pinakahuling tala ng Manila Health Department ay umabot na sa 1,954,674 na tao ang binigyan ng hindi bababa sa isang dose ng bakuna kontra COVID-19 at 766,418 naman ang fully vaccinated na sa lungsod.

Sa datos ng Commission on Elections (COMELEC), nasa 115.20% na ng target population ng Maynila ang nabakunahan habang 71.95% ang fully vaccinated.

Kung pagbabatayan naman ang datos ng Department of Health (DOH), nasa 90.79% na ng target population sa Maynila ang nabakunahan at 56.71% na ang fully vaccinated.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, ito ay resulta ng malawakang pagbabakuna ng LGU Manila mula noong Marso 2021.

Sa kasalukuyan, 19 na eskwelahan at apat na mall ang ginagamit bilang lugar pangbakunahan, maliban pa sa anim na ospital ng Pamahalaang Lungsod at ang tuloy-tuloy na home service at drive-thru vaccinations.