-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Ipinagbawal muna ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources­ (BFAR) at lokal na pamahalaan ng Malay ang pagpasok ng shellfish tulad ng tahong, talaba at halaan kasama ang alamang mula sa Capiz matapos na madiskubreng may lason ng red tide ang karagatan dito.

Layunin nito na maiwasang makapasok sa Isla ng Boracay ang shellfish lalo na ang talaba mula sa lalawigan ng Capiz makaraang magpositibo sa paralytic shellfish poison o red tide ang mga baybayin ng anim na bayan ng Panay, Pilar, Ivisan, Sapian, at President Roxas at Roxas City.

Ayon kay John Rey De Eyoy ng Fishery Protection and Law Enforcement Group ng BFAR-Aklan, hindi pa nakapalabas ng Shellfish Advisories mula BFAR noong Setyembre 29 na may tatlong lugar sa Capiz ang nagpositibo sa red tide, ipinahinto na ang pagpasok ng talaba sa isla.

Dagdag pa ni De Eyoy, mayroong quarantine officers ang BFAR-Aklan at LGU-Malay na nagbabantay sa pantalan lalo na sa Caticlan Jetty Port, kung saan kailangang magpakita ng auxiliary invoices ang sinumang may dalang pagkain mula sa lugar na pinanggalingan nito.

Kaugnay nito, mahigpit ang pagbabantay na ginagawa ngayon ng BFAR-Aklan sa mga baybayin ng Aklan na malapit sa Capiz, katulad ng Batan Bay na sumasakop sa bayan ng Altavas, Batan, at New Washington.