-- Advertisements --

Tinanggalan ng lisensya para makapag-operate ang isang lending firm na nagbabanta sa kanilang mga loan borrowers na ipapahiya dahil sa kabiguang makapagbayad ng kanilang utang.

Sa isang pahayag, sinabi ng Securities and Exchange Commission (SEC) na tinanggalan na nila ng certificate of authority (CA) ang Super Cash Lending Corporation bunsod ng unfair debt collection practices.

Batay sa ulat ng SEC Corporate Governance and Finance Department (CGFD), napatunayan umanong nagkaroon ng siyam na paglabag sa kanilang mga patakaran ang naturang kompaniya.

Lumalabas sa imbestigasyon ng SEC na ang Super Cash at ang online platforms nito na Cash Porter at Loan Bee ay nagbanta sa mga hindi agad nakakabayad ng utang, na isasapubliko ang detalye ng loan at personal information ng borrowers, maliban pa sa ikakasong estafa at pagnanakaw.

Gumamit din umano ng masasamang salita ang Super Cash habang naniningil sa mga nanghiram sa kanila.

Ayon kay SEC Commissioner Kelvin Lee, inirerespeto nila ang ilang estratehiya ng mga kompaniya, ngunit dapat matiyak na hindi lumalabag ang mga ito sa karapatan ng ibang tao.