Kinuwestyon ni Vice Pres. Leni Robredo ang tila maluwag na patakaran ng estado sa pagpapasok ng Chinese gamblers sa bansa.
Ito ay kasunod ng pahayag ng Chinese Embassy kamakailan, kung saan isinisi nito sa Pilipinas ang dahilan kung bakit maraming illegal Chinese workers rito.
“According to the Chinese laws and regulations, any form of gambling by Chinese citizens, including online-gambling, gambling overseas, opening casinos overseas to attract citizens of China as primary customers, is illegal,” ayon sa statement.
Ayon kay Robredo, nakakabahala ang bugso ng bilang ng mga Chinese na nasa bansa ngayon dahil hindi na raw kapani-paniwala ang bilang na inilalabas ng mga ahensya hinggil sa populasyon ng mga dayuhang Chinese sa estado.
“Iyong sa akin lang ‘di ba, hininto nga natin iyong ating mga gambling, iyong mga permits, bakit sila pinapayagan?,” sa kanyang weekend program na BISErbisyong Leni.
“Ang tanong nga, bakit natin pinapayagan dito na iligal nga sa kanila? Iyon iyong number one. Pangalawa, parang hindi nga masabi, Ka Ely, kung ilan eksakto iyong nandito na sa atin eh. Sobrang dami na na hindi alam iyong numbers.”
Kataka-taka rin umano na tuloy pa rin sa paglalaro ng sugal ng mga Chinese sa bansa kahit hinigpitan na ng gobyerno ang pagbibigay ng permit.
Batay sa datos ng Department of Labor and Employment (DOLE) nasa 138,000 ang bilang ng mga dayuhang nagta-trabaho sa mga Philippine offshore gaming operations (POGO).
Ayon sa Department of Finance, umiiral naman ang 25-percent tax sa gross income ng mga ito.
Kaya kung susumahin ay aabot sa P32-bilyon ang revenue collection mula sa foreign POGO workers kada taon.
Una ng sinabi ng Malacanang na target nilang hulihin ang mga recruiter ng Chinese POGO workers matapos aminin ng naturang Embahada na iligal sa kanilang bansa ang ano mang uri ng pagsusugal.
“Anything illegal, we will run after them,” ani Presidential spokesperson Salvador Panelo.