Hiniling na rin ng Senate committee on constitutional amendments sa iba pang grupo at indibidwal na magsumite ng posision paper, kung may mabigat silang rason para sa isyu ng Charter Change (Cha-Cha).
Sa pagdinig ng lupon, tinanggap ni panel chairman Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ang mga argumento ng kaniyang mga kasamahang senador at maging ng mga dumalong legal luminaries.
Naging reunion pa ito ni Pangilinan, bilang law student at ng kaniyang professor na si retired Justice Vicente Mendoza.
Pero sa pananaw ni Mendoza, sinabi nitong dapat mag-focus muna ang ating atensyon sa pagharap sa pandemya at papalapit na eleksyon.
Giit niya, mahalaga raw na unahin ang pagtugon sa COVID-19 pandemic kung saan mahigit 10,000 na sa ating mga kababayan ang nasawi dahil sa virus pero wala pang malinaw na schedule para sa vaccine roll out.
Importante din anya na mabigyang edukasyon ang mga botante ukol sa matalinong pagboto at makapaghanda para masiguro ang malinis na halalan sa 2022.
Pero sa pananaw ng mismong kasama sa pagbalangkas ng 1987 Constitution na si dating Justice Adolfo Azcuna, sinabi nitong kailangan na ang amyenda sa saligang batas, partikular na si economic provisions.
Para kay Azcuna, limang taon lang dapat ang itinagal ng parte iyon ng saligang batas, dahil batid nilang darating ang panahon na kailangan itong amyendahan, alinsunod sa mga konsiderasyon.