Tumaas ng triple ang lebel ng dagat sa Metro Manila kumpara sa taunang average ng sea level sa buong mundo ayon sa National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA).
Base sa National Aeronautics and Space Administration (NASA), sinabi ng NAMRIA na ang antas ng dagat sa mundo ay tumataas sa average na 3.4 millimeters (mm) taun-taon.
Sa isang presentasyon noong Agosto 15, sinabi ng NAMRIA na mula 1901 hanggang 2022, ang antas ng dagat ng Metro Manila ay tumaas ng 8.4mm bawat taon batay sa makasaysayang data mula sa Estados Unidos at sa natuklasan mismo ng ahensya na halos triple pa sa average sea level sa buong mundo.
Mula 1965 hanggang 2022 naman, ang pagtaas ng lebel ng dagat sa Metro Manila ay naitala sa 14.4mm taun-taon, apat na beses namang mas mabilis kaysa sa global average.
Iniugnay ng ahensya ang pinabilis na pagtaas ng lebel ng dagat sa biglaang paglubog ng surface ng daigdig ay ang mga sumusunod na aktibidad na anthropogenic o dulot ng tao gaya ng pagmimina ng langis/gas o groundwater, vegetation cleaning, deforestation, paglaki ng populasyon, urbanisasyon, at land reclamation.
Ayon pa sa ahensiya, ang pagtaas ng lebel ng dagat ay maaaring magdulot ng madalas na pagbaha, mabilis na pagkawala ng lupa, pagkawala ng mga lugar, mga problema sa ekonomiya, at negatibong epekto sa ecological systems.