Naniniwala si Dr. Tony Leachon na nakaapekto ang kanyang mga social media posts at komento sa hakbang ng pamahalaan, kaya pinababa siya sa pwesto bilang special adviser ng National Task Force against COVID-19.

Sa isang panayam, inamin ni Leachon na bilang isang private citizen ay hindi nito napigilang maglabas ng komento sa kulang umano na focus ng Department of Health sa mga dapat na prayoridad sa gitna ng pandemic.

Una pa lang daw ay pinaalalahan na siyang huwag maglalabas ng mga independienteng pahayag sa sitwasyon, pero hindi rin umano niya matiis na hindi maging transparent o tapat sa pagbibigay ng pahayag sa publiko.

Nahihiya raw ang public health expert kay NTF chief implementer Carlito Galvez, pero tila hindi naaayon sa stratehiya ng pamahalaan ang paraan niya ng pag-aabot impormasyon para sa nakararami.

Tinuro ng public health expert sina Presidential spokesperson Harry Roque at DOH Sec. Francisco Duque na nagsumbong kay Galvez sa kanyang aktibidad.

Kaya naman ngayong iniimbestigahan ng Office of the Ombudsman ang Health department, naniniwala raw si Leachon na may indikasyon ang hakbang ng anti-graft body sa totoong sitwasyon ng government response sa COVID-19 pandemic.

Sa ngayon wala pang pahayag sina Duque at Roque sa pagkakadawit nila sa resignation ng public health expert.