Umaasa ngayon ang grupo ng mga abogado na agad aaksiyunan ng Supreme Court (SC) ang kanilang panawagan matapos ang brutal na pagpatay kay dating Court of Appeals (CA) Justice Normandie Pizarro.
Ayon sa National Union of People’s Lawyer (NUPL), nababahala na raw ang mga ito sa pagpatay sa kanilang mga ka-baro sa legal profession.
Sa katunayan nasa 54 na raw na abogado at mga huwes ang naging biktima ng extra judicial killings at karahasan simula noong taong 2016 o sa ilalim ng Duterte administration.
Dahil dito, sumulat na ang grupo kay Chief Justice Diosdado Peralta para agad maaksiyunan ang kanilang mga hinaing.
Binigyang diin ng NUPL na sa ilalim ng United Nations Basic Principles on the Role of Lawyers, kasama sa mandato ng pamahalaan na siguruhin na nagagampanan ng mga abogado ang kanilang trabaho nang walang pananakot o harassment.
Dagdag pa ng NUPL, dapat na mayroong accountability o pananagutan sa pamamagitan ng mabilis at epektibong imbestigasyon at dapat ay napapanagot ang mga may sala sa kaso.
Nais ng grupo na umaksiyon na ang SC sa pamamagitan ng pagsasagwa ng agaran at independent na imbestigasyon sa kaso ng mga napatay na abogado.
Nanawagan din ang grupo sa pamahalaan na umaksyon na tuldukan ang nagpapatuloy na karahasan sa bansa.
Makabubuti rin ayon sa grupo kung magkakaroon ng dayalogo sa pagitan ng SC, Integrated Bar of the Philippines (IBP), PNP maging ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang kinauukulang ahensiya ng pamahalaan.
Nais din nilang isama ang mga civil society organization at iba pang stakeholders para sa isang bukas at malayang talakayan para masiguro ang kanilang kaligtasan.
Higit sa lahat ay ang panagutin ang mga tao o grupong nasa likod ng mga krimen na ito at bigyang hustisya ang mga abogado at hukom na naging biktima ng extra judicial killings sa bansa.
Una nang sinabi ni Department of Justice (DoJ) Sec. Menardo Guevarra na tinututukan ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang apat na persons of interest sa pagpatay Pizarro.
Sinabi ni Guevarra, isa umano sa mga suspek ay willing na ibunyag ang kanyang nalalaman kaugnay ng pagpatay sa dating mahistrado ng CA.
Sa lumabas ngang forensic chemistry division report ng NBI, lumalabas na 99.99999 percent na nag-match ang DNA ni Pizarro sa DNA ng kanyang mga kaanak.
Si Pizzaro na nagretiro pa noong taong 2018 ay naging kontrobersiyal dahil sa mga sinulat nitong desisyon gaya ng pag-acquit sa sinasabing pork barrel mastermind na si Janet Lim-Napoles sa kanyang serious illegal detention case noong May 2017.
Sinulat din nito ang ruling para ma-acquit si dating Palawan Governor Joel Reyes sa pagkamatay ng environmentalist at broadcaster na si Gerry Ortega sa Puerto Princesa noong 2011.
Ibinasura rin ni Pizzaro ang desisyon ng korte sa Hawaii kaugnay ng $2-billion na halaga ng kompensasyon para sa mga human rights victims noong Martial Law.
Noong April 2018, minultahan ng SC si Pizarro ng P100,000 dahil sa conduct unbecoming of a member of the judiciary dagil sa kanyang gambling addiction.