Hindi na nabigla ang mga mambabatas sa pagkakahirang kay dating Pangulo Rodrigo Duterte bilang administrator ng mga ari-arian ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ni televangelist Apollo Quiboloy.
Naniniwala ang mga Kongresista na walang malaking implikasyon ang pagkakatalaga sa dating Pangulo sa nagpapatuloy na pagdinig sa prangkisa ng SMNI.
Ayon kay 1-RIDER Party-list Rep. Rodge Gutierrez, nirerespeto ng Kamara ang pagkakatalaga sa dating Pangulo.
Sa ngayon nagpapatuloy ang pagdinig ng Committee on Legislative Franchises sa isyu na kinasasangkutan ni Quiboloy, KOJC, at ng broadcast network na SMNI.
Sinabi ni Gutierrez na hindi nila batid kung ano ang partisipasyon ng isang administrator sa nagpapatuloy na pagdinig ng Kamara subalit tuloy pa rin sila sa kanilang imbestigasyon.
Magugunita na pinadalhan ng subpoena ng Kamara si Quiboloy para dumalo sa pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises na naglalayong tanggalin ng congressional franchise ang Swara Sug Media Corp., na nag-ooperate bilang SMNI, na pinaniniwalaang pagmamay-ari ni KOJC leader na si Quiboloy.
Samantala, ayon naman kay Deputy Speaker and Quezon 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez karapatan naman ni Quiboloy na italaga ang dating pangulo bilang administrador ng kaniyang mga pag-aari.
Naniniwala naman si Suarez na bilang dating pangulo siya y magsisilbing daan upang siguraduhin na kung anuman ang mga legal processes na kakailanganing malaman ng sa gayon masagot ang mga tanong na kinaharap ng KOJC at Swara Sug.
Wala din nakikitang implikasyon si Suarez sa appointment ni Duterte sa nagpapatuloy na pagdinig ng Committee on Legislative Franchises.