Hinikayat ni Senator Grace Poe ang law enforcers na arestuhin at ikulong ang text scammers sa layuning mabawasan ang tumataas na kaso ng cybercrime sa Pilipinas.
Binigyang diin ng Senadora na mayroong magandang probinsiyong nakapaloob sa SIM registration law na maaaring magamit ng mga awtoridad, telcos, at iba pang concerned agencies upang mahuli ang mga salarin sa likod ng cybercrime.
Saad pa ng Senadora na siyang principal author at sponsor ng SIM Registration Act na dapat masampolan ang mga nahuling lumabag kapag mayroon namang matibay na ebidensiya.
Sa oras aniya na makita ng publiko na nahuli at ikinulong ang mga nasa likod ng fake registration ng SIM o nagbebenta ng pre-registered na SIM, kahit papaano ay mababawasan ito.
Una ng nabulgar na maaaring makapagrehistro ng SIM cards ang mga scammer sa pamamagitan ng cartoon character identities.
Nakakumpiska din ang mga awtoridad ng daan-daang pre-registered sim cards na ginagamit sa scam.
Nang matanong ang Philippine National Police kung mayroon ng naaresto sa nasabing iligal na mga gawain, sinabi ng pambansang pulisya na nagpapatuloy pa rin ang kanilang operasyon at nakatutok sa pagkumpiska pa ng mga device na ginagamit para sa scam.