KORONADAL CITY – Inaasahang madadagdagan pa ang mahigit 500 indibidwal na kasalukuyang nakapila sa tanggapan ng Koronadal City-Commission on Elections (COMELEC) office kasabay ng huling araw ng voters registration.
Kaugnay nito, hindi pa rin nawawala ang mga paulit-ulit na mga problema kagaya ng mahaba at mabagal na pila, at kulang na requirement ng magpaparehistro.
Kuwento ng isang empleyado na si Sammy Abdul, napilitan siyang mag-absent sa trabaho dahil kakain ng kanyang oras bago tuluyang makapagpalit ng residensiya mula Columbio, Sultan Kudarat, dahil ilang taon na rin itong namamalagi sa Koronadal.
Dagdag pa nito na pinili niyang sa deadline pumila sa pag-aakala na kaunti na lamang ang magpaparehistro ngunit ikinagulat nito na dumoble ang bilang.
Samantala ayon kay Koronadal City Election Officer Atty. Michael Ignes, hindi sila nagkulang sa paalala tungkol sa voters registration ngunit sa kabila ng dumobleng bilang ng mga humahabol sa registration ay pipilitin pa rin nila itong mairehistro.
Sa kabilang dako, sa mensaheng ipinadala sa Bombo Radyo Vigan ni COMELEC spokesman James Jimenez, napagplanuhan aniya nilang mabuti ang gagawin ngayong araw dahil noong nakaraang linggo pa naipalabas ang mga susunding panuntunin para sa mga late registrants na nakasaad sa Section 6 ng Comelec Resolution No. 10549.
Base sa resolusyon, kung mayroon pang mga aplikante na nakalinya at nakahandang magrehistro na sakop ng 30-meter radius mula sa opisina ng election officer hanggang alas-3:00 ng hapon ngayong araw, ililista nila ang kani-kanilang mga pangalan.
Ang bawat pangalan na nasa listahan ay tatawagin ng tatlong beses base sa pagkakasunod-sunod ng mga ito sa listahan ngunit kung sino man ang matawag ang pangalan at nakaalis na ito o hindi na dumating pa sa mismong opisina ng election officer, hindi na tatanggapin pa ang aplikasyon nito.
Bukod pa rito, mayroon ding express lane na nakalaan para sa mga persons with disabilities, senior citizen at mga buntis na aplikante. (with report from Bombo Radyo Vigan)