Nakumpirma lamang ng initial report ng Department of Justice sa 52 drug war cases sa ilalim ng Duterte administration ang matagal nang obserbasyon na mayroong mga lapses sa madugong kampanya kontra iligal na droga ng pamahalaan, ayon kay Vice President Leni Robredo.
Ayon kay Robredo, maaring matiyak ng initial report na ito ng DOJ ang accountability laban sa mga responsable sa mga drug-related na pagpatay.
Kaugnay nito ay nananawagan siya ng hustisya para sa mga kaanak ng mga biktima ng drug war.
Sa kanyang pagbisita turnover ng mga abo ng mga nasawi sa drug war sa kanilang pamilya kamakailan, natuklasan ni Robredo na mayroong ilang kaanak ng mga biktima ang pinipilit na lumagda sa isang report para ipalabas na namatay ang mga ito dahil sa pneumonia.
Base sa latest findings ng DOJ, lumalabas na mayroong ilang suspects sa anti-drug operations ang negative sa gunpoweder nitrates, na sumasalungat sa mga reports ng pulis na lumaban ang mga suspects.
Samantala, nanindigan naman ang Malacanang na inosente si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga ito, at iginiit na hindi ito ang siyang nasa likod ng mga pagpatay na nakasaad sa findings ng DOJ.