-- Advertisements --

Ipinaliwanag ng state weather bureau ang biglaang pagbaha sa ilang lugar sa Quezon City noong hapon ng Sabado, Agosto 30.

Ayon sa bureau, ito ay bunsod ng matindi ngunit panandaliang thunderstorm na bumuhos ng 96.6 millimeters (mm) ng ulan sa loob lamang ng isang oras, mas mataas sa peak one hour na pag-ulan noong nanalasa ang bagyong Ondoy. Sapat ang lakas nito upang magdulot ng malawakang pagbaha sa lungsod.

Katumbas din nito ang limang araw na pag-ulan sa buwan ng Agosto.

Kinumpirma rin ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office (QCDRRMO) na hindi inaasahan ang lakas ng buhos ng ulan na nagdulot ng malawakang pagbaha.

Umabot sa 36 na barangay ang naapektuhan, ngunit humupa rin ang tubig makalipas ang ilang oras.

Nilinaw naman ng weather bureau na bagama’t mas maikli ang pag-ulan kumpara sa Ondoy, mabilis rin namang humupa ang baha.

Matatandaan noong tumama ang bagyong Ondoy noong 2009, nagdulot ito ng malawakang pagbaha sa Metro Manila, ilang parte ng Luzon at iba pang lugar bunsod ng hindi pangkaraniwang lakas ng ulan na pumalo sa 90mm kada oras.

Kaugnay nito, patuloy na hinihikayat ang publiko na maging alerto at sumubaybay sa mga weather advisory lalo na ngayong tag-ulan upang makaiwas sa panganib ng pagbaha.