-- Advertisements --

Pina-iimbestigahan na ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang naging kapabayaan ng AFP Intelligence Group kaugnay sa nangyaring paglalabas ng maling listahan ng mga napatay at sumukong NPA na umano’y mga estudyante ng UP.


Dismayado si Lorenzana sa naging aksiyon ng J2, dahilan para sibakin nito sa pwesto si Major General Alex Luna ang Deputy Chief of Staff for Intelligence ng AFP.

Epektibo ngayong araw january 28,2021 ang pagsibak sa pwesto kay Luna.
Pansamantalang papalit sa pwesto ni Luna ay ang kaniyang deputy na si BGen.Chariton Gaerlan.


Ayon kay Lorenzana nagmula sa opisina ni Luna sa J2 ang maling listahan.

Paliwanag ng kalihim malaking pagkakamali at hindi pwedeng palagpasin ang nasabing asunto, dahil malinaw na isang kapabayaan sa trabaho kaya dapat siyang mapanagot.

Kamakailan lamang ay kumalat ang listahan ng mga NPA na napatay ng militar na umani ng batikos dahil ang iba kasi sa listahan ay maling pangalanan habang ang iba naman ay buhay pa.

Ayon kay Lorenzana ang ginawa ng J2 ay isang “careless attitude” leading to the “unforgivable lapse”.

Habang gumugulong ang imbestigasyon mananatili muna si Maj. Gen. Luna sa Office of the Chief of Staff.

Samantala, ayon naman kay AFP Spokesperson MGen Edgard Arevalo na ipinagutos ng AFP Chief of Staff Gen. Gilbert Gapay ang imbestigasyon noong Enero 25, para matukoy ang responsable sa insidente.

Pero nagsalita na aniya si Secretary Lorenzana at sinibak sa pwesto si AFP Deputy Chief of Staff for Intelligence MGen. Alex Luna (J2) , dahil sa kanyang tanggapan nagmula ang listahan.

Gayunpaman, sinabi ni Arevalo na tatapusin nila ang imbestigasyon upang madetermina kung ano talaga ang nangyari at maiwasan ito sa hinaharap.

Tiniyak ni Arevalo na determination ang AFP na I-“improve” ang kanilang mga proseso upang mas mahusay na mapaglingkuran ang mga mamayan.

Sa kabilang dako, naging kontrobersiyal ang AFP matapos ilabas ang maling listahan ng mga napatay at sumuko na NPA gayundin ang pagpapawalang bisa ng DND sa 1989 UP Accord.

Sa kabila ng maraming umaalma at batikos hinggil sa abrogation ng UP-DND accord, naninindigan ang kalihim sa kanilang ginawang hakbang.