NAGA CITY – Pansamantalang hindi nadaanan ang kalsada sa bahagi ng Caramoan at Garchitorena matapos ang pagguho ng lupa sa Zone 6, Barangay Sta. Maria Presentacion, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay P/Lt. Dennis Barrameda, hepe ng Presentacion-Philippine National Police, sinabi nitong dahil sa umano’y patuloy na pag-ulan, bahagyang gumuho ang lupa sa lugar na naging dahilan para hindi makadaan ang mga sasakyan.
Ayon kay Barrameda, wala namang naapektuhang bahay o mga residente sa sa naturang landslide
Aniya, nakatakda namang isagawa ang clearing operation sa lugar sa tulong ng Municipal Disaster Risk Reduction and Managment Council at Department of Public Works and Highways.
Samantala, patuloy na pinag-iingat ang mga tao sa mga kalapit na lugar dahil sa bantang muling maulit ang insidente.