-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Nagpaliwanag ang Local Disaster Risk Reduction and Management Office ukol sa dahilan ng pagbagsak ng Lalog Bridge sa Luna, Isabela .
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Engineer Jayson Tamayo, LDRRM Officer 2 ng Luna na ilang beses nang nasira ang naturang tulay bago bumagsak.

Nagsimula anyang masira ang Lalog Bridge noong bagyong Rosita at lalong lumala ang sira noong bagyong Ulysis bago bumagsak matapos manalasa ang bagyong Paeng.

Ang nasabing tulay ay ginawa noong taong 2000.

Ang Lalog Bridge ang pangunahing daanan patungong mga barangay Macugay, San Isidro at Santo Domingo.

Pinapayuhan ang mga residente ng tatlong barangay na pansamantalang dumaan at umikot muna sa bayan ng Burgos at huwag tangkaing tumawid sa ilog gamit ang bangka.

Hindi na maaaring gamitin ang naturang tulay at kailangan nang mapalitan ng bago.

Mayroon na umanong plano para sa paggawa ng tulay noong 2018 nang magkaroon ng sira matapos manalasa ang Bagyong Rosita.

Isasangguni nila sa pamahalaang lokal ang pagbibigay ng libreng sakay sa mga residenteng naapektuhan ng pagbagsak ng nasabing tulay.