NAGA CITY – Patay ang isang lalaki matapos pagtatagain sa Zone-6, Brgy. Payak, Bato, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Joel Valle, residente ng nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Maj. Andrew Alcomendas, acting chief of police ng Bato Municipal Police Station, sinabi nito na alitan sa pagitan ng biktima at kapitbahay nitong si Ramir Sesno ang itinuturing sanhi ng krimen.
Batay sa ulat, natutulog si Valle kasama ang mga anak nang dumating ang suspek bitbit ang isang bolo. Pinagtataga raw ni Sesno ang biktima.
Nagtamo ng malalim na sugat sa leeg at dibdib si Valle kaya agad itong binawian ng buhay.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad gayundin ang pagtunton sa suspek na agad umanong tumakas matapos ang krimen. -CJY