CAUAYAN CITY- Inaresto ang isang lalaki na pinaghihinalaan sa panloloob at pagnanakaw sa isang tindihan sa Barangay Calamagui 2nd Ilagan City
Ang may-ari ng tindahan na pinagnakawan ay si Ginang Concepcion Barredo,52 anyos may- asawa at residente ng nabanggit na barangay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PStaff Master Sgt. Bobby Taccad, tagasiyasat ng City Of Ilagan Police Station lumalabas batay sa inisyal na imbestigasyon na naganap ang pagnanakaw sa madaling araw habang nasa kasarapan ng tulog ang may-ari ng tindahan.
Narinig ng ina ng biktima ang kumakaluskos sa labas ng kanilang bahay at doon nakita niya ang pinaghihinalaan na si Armond Andres, 21 taong gulang binata at residente ng Brgy San Vicente, Lungsod ng Ilagan.
Matapos tanunungin ng ina ng biktima ang suspek ay agad kumaripas ng takbo.
Natuklasan ng biktima na sila ay nilooban at ninakawan matapos na makita ang mga grocery items na nasa labas ng kanilang pintuan na naiwan ng pinaghihinalaan, natuklasan ding nawawala ang kanilang tatlong cellphone at pera mula sa kanilang tindahan.
Bukod sa mga grocery items ay naiwan din umano ng suspek ang kanyang sapatos na naging gabay ng pulisya sa kanilang imbestigasyon.
Sa tulong naman ng kuha ng CCTV ng barangay ay nakuhanan din ang pagpasok ng nasabing pinaghihinalaan sa isa pang bahay na kapitbahay ng may-ari ng tindahan na kanyang nilooban.
Agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga awtoridad na nagresulta upang magawang matunton ang kinaroroon ng salarin at kinumpirma mismo ng ina ng pinaghihinalaan na sapatos ng anak ang naiwan sa pinagnakawang tindahan.
Nakuha sa direktang pag-iingat ng pinaghihinalaan ang dalawang cellphone at pera habang nakita rin ang kanyang ginamit na sling bag, sumbrero at mga damit nito na akma sa kuha ng CCTV.
Walang natangay na anumang gamit o pera ang pinaghihinalaan sa pangalawang bahay na tinangkang looban .
Nasa pangangalaga na ng City of Ilagan Police Station ang pinaghihinalkaan at inihahanda na ang kasong robbery laban sa kanya.