Reading Time: 1 minute
Jolo bong revilla
Father and son Cavite Vice Governor Jolo Revilla and Sen. Bong Revilla, Jr.

NAGA CITY – Arestado ang isang lalaki matapos subukang kikilan ng pera si Cavite Vice Governor Jolo Revilla at ginamit naman ang pangalan ni Rep. Noli Fuentebella.

Kinilala ang suspek na si Menard Gregg Basa.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Police Regional Office (PRO5), nabatid na pasado alas-6:50 kahapon nang isagawa ang entrapment operation laban sa suspek.

Nahuli si Basa sa Poblacion West, Ocampo matapos mahawakan nito ang nasa P10,000 na umano’y ipinadala ni Revilla sa pamamagitan ng isang money transfer.

Una rito, tumawag umano ang suspek kay Revilla at nagpakilalang si Cong. Fuentebella at sinasabing naubusan ito ng cash habang nasa Palawan at kinakailangan nito ng P25,000 para sa kanyang plane ticket.

Sa ngayon, nananatili na sa kustodiya ng mga otoridad ang suspek habang hinahanda na ang kasong isasampa laban dito.