Hinatulan ng habambuhay na pagkakakulong na walang parole si Justin D. Mohn, 33, matapos mapatunayang guilty sa pagpatay sa kanyang ama noong Enero 2024.
Ayon kay Bucks County Judge Stephen Corr, nagkasala si Mohn sa pamamaril at pagputol ng ulo ng kanyang ama sa kanilang tahanan.
Ipinost pa umano ni Mohn ang video kung paano nito pinugot ang kanyang ama sa YouTube, kung saan ito tumagal ng ilang oras bago nabura.
Ayon sa mga imbestigador, binaril niya si Michael F. Mohn, 68, gamit ang bagong biling baril at pinugutan gamit ang kutsilyo at itak.
Ayon pa sa County District Attorney, wala rin aniyang pagsisisi ni Mohn, at tinawag ang krimen na ”unimaginable, unfathomable crime.” Giit niya, ligtas na ngayon ang komunidad mula sa suspek.
Tinangka pa umano ni Mohn na bigyang-katwiran ang krimen sa pagsasabing inaresto niya umano ang kanyang ama dahil sa pagtataksil nito.
Ngunit inamin din niyang pinugutan niya ito upang magpadala ng mensahe sa mga empleyado ng gobyerno at igiit ang kanyang mga panawagan.
Naaresto si Mohn matapos umakyat sa bakod ng Fort Indiantown Gap, isang kampo ng National Guard, kung saan nanawagan siya sa publiko na tumulong sa pagbagsak ng pamahalaan.
Nang mahuli, dala niya ang USB drive na may mga larawan ng mga federal buildings at mga gabay sa paggawa ng pampasabog. Natuklasan din ang matagal na niyang pagsusulat ng mga pahayag laban sa gobyerno.
Nahaharap din ang suspek sa kasong possession of an instrument of crime, gun charges, criminal use of a communication facility, terroristic threats, defiant trespassing, at abuse of a corpse.
Ayon sa mga tagausig, ang krimen ay isang ”cold, calculated, organized plan.” para takutin ang mga federal employee.