Reading Time: 1 minute

NAGA CITY – Naputol ang kamay ng isang padre de pamilya matapos tagain ng lalaking hindi umano naimbitahan sa pamamanhikan ng anak nito sa Brgy. Cambalidio, Libmanan, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Julito Buen, 62.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Staff Sgt. Emy Rose Organis, tagapagsalita ng Libmanan-PNP, sinabi nitong nag-ugat ang pananaga matapos komprontahin ng suspek na si Rosales Saralde, 33, si Buen dahil sa hindi pag-imbita sa kanya sa ginawang pamamanhikan ng anak nito.

Dahil dito, sinubukan sanang pakalmahin ng biktima ang suspek ngunit kumuha ito ng itak at tinaga ang biktima na nagresulta sa pagkaputol ng kaliwang kamay nito na agad namang isinugod sa ospital.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng PNP habang pinaghahanap naman ang suspek na agad na tumakas matapos ang insidente.