CAGAYAN DE ORO CITY – Personal na alitan ang tinitingnan na dahilan ng mga pulis sa pagpatay ng isang lalaki sa kanyang pinsan sa Sitio Manay, Cawayan, Quezon, Bukidnon.

Sinabi ni Quezon Municipal Police Station commander Major Mitchel Clemencio na pinatay ng suspek na si Arnel Obeso, 29-anyos, ang kanyang pinsan na si Jaime Obeso Jr., 35-anyos, sa hindi na nabanggit na dahilan.

Gamit ang sanggot o karit, tinaga ng suspek ang biktima kung saan nagtamo ito ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan na nagresulta sa pagkamatay.

Napag-alamang parehong lasing ang biktima at suspek ng mangyari ang krimen.

Nahaharap sa kasong murder ang suspek.