-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Patay ang isang lalaki sa banggaan ng motorsiklo at truck sa pambansang lansangan na nasasakupan ng barangay Darapidap, Aritao, Nueva Vizcaya.

Ang mga sangkot ay ang Aluminum Wing Van Truck na minaneho Florencio Baymosa Jr., 47 anyos, residente ng Simimbaan, Roxas, Isabela at ang itim na single motorcycle na minaneho ni Christian Olog, nasa tamang edad at residente ng Riverside Side East, Mabasa, Dupax del Norte, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMajor Roderick Rabago, ang Hepe ng Aritao Police Station, sinabi niya na binabagtas ng Wing Van Truck ang nasabing lansangan patungong timog na direksiyon habang patungo naman sa kasalungat na direction ang motorsiklo.

Nag-overtake umano ang wing van subalit hindi nito napansin ang kasalubong na motorsiklo kayat nagbanggaan ang dalawang sasakyan .

Ayon kay Major Rabago, may ilaw naman ang motorsiklo subalit sadyang madilim anya ang kalsada at may mga pag-ambon din nang mangyari ang aksidente.

Dahil sa lakas ng banggaan ay nagtamo ng mga malalang sugat ang tsuper ng motorsiklo na si Christian Olog na nagresulta ng kanyang agarang kamatayan.

Wala namang natamong sugat ang tsuper ng truck na dinala sa Aritao Police Station at inihahanda na ang kasong reckless imprudence resulting in homicide laban sa pinaghihinalaan .

Kaugnay nito ay nagpaalala naman ang Aritao Police Station sa mga tsuper na maging ma-ingat sa pagmamaneho at tiyaking walang kasalubong kapag magoove- take sa kalsada.