DAVAO CITY – Patuloy ngayon ang ginagawang imbestigasyon ng Malita Municipal Police Station sa pamamaril ng isang lalaki ang kanyang sariling kapatid sa kanilang bahay sa Sitio Sagal, Barangay Macol, Malita, Davao Occidental.

Nabatid na hindi na umabot sa hospital ang biktima na nakilalang si Joven Mariano, 29, isang magsasaka matapos barilin ng kanyang kapatid na si Jovic Mariano, 18-anyos.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Malita Municipal police station, natukoy na nagkaroon ng matinding pagtatalo ang magkapatid sa hindi malinaw na rason.

Dahil sa sobrang galit ng suspek, kumuha ito ng baril na kanya namang ginamit laban sa kanyang kapatid.

Natamaan sa kanyang ulo ang biktima, dahilan kung bakit kaagad itong binawian ng buhay.

Kaagad naman na sumuko ang nakababatang Mariano sa mga barangay official sa kanilang lugar dala ang .45 calibre pistol na kanyang ginamit sa krimen.