-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nasamsaman ng baril, bala at granada ang isang lalaki sa Purok 6, Dianao, Cauayan City sa isinagawang search warrant ng pulisya.

Ang pinaghihinalaan ay si Jhomar Gapusan, may asawa at residente ng naturang lugar.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Arvin Asuncion, Investigation Officer ng Cauayan City Police Station, sinabi niya na matagumpay na naisilbi ang search warrant sa pinaghihinalaan dahil sa paglabag nito sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).

Nasamsam sa pinaghihinalaan ang isang unit ng cal. 45 na baril, dalawang magazine, anim na bala at isang hand granade.

Ayon kay PCapt. Asuncion, inihayag ng suspek na itinatago niya ang mga pampasabog para protektahan ang kanyang sarili dahil mag-isa na lamang siya sa kanyang bahay.

Ang pinaghihinalaan ay may nauna ng record sa himpilan ng pulisya na kasong rape at ngayon ay nasa prosecutor’s office na.

Bago isinilbi ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station ang search warrant ay bineripika muna nila sa Firearms and explosive division ng PNP at napatunayang hindi rehistrado at otorisado na humawak ng baril at mga pampasabog ang pinaghihinalaan.

Ang nasabi umanong baril ay matagal ng nasa kamay ng suspek at palaging dala saan man siya magpunta.