-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Nauwi sa lungkot ang pag-iinuman ng magkakapatid matapos mapatay ng kuya ang kanyang kapatid na nagkataong nagdidiwang pa ng kanyang kaarawan sa Cauayan, Negros Occidental.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa hepe ng Cauayan Police Station na si Police Major Lowell Garinganao, nagkasagutan ang kuya na si Roger at ang kanyang kapatid na si Juaquino Cadungog habang nag-iinuman sa kanilang bahay sa Sitio Patol, Barangay Caliling.

Unang hinampas ng 41-anyos na biktima ang kanyang 43-anyos na kuya ng matigas na bagay sa ulo bago sinuntok.

Nagtangka pa sana ang kuya na pakalmahin ang kanyang kapatid ngunit hindi ito tumigil kaya’t kumuha ang suspek ng palakol sa dingding at hinampas ang biktima sa ulo na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Kaagad namang sumuko sa Cauayan Municipal Police Station ang suspek matapos ang krimen.

Ayon sa hepe, hindi na magsasampa ng kaso ang pamilya ng namatay laban sa suspek.