-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN- Tiniyak ng Municipal Disaster Risk Reduction ang Management Office ng bayan ng Sta. Barbara na 24-oras silang nakabantay sa sitwasyon at banta ng pag-apaw ng Sinocalan River matapos itong tumaas sa 6.70 meters above sea level dulot ng tuloy-tuloy pa rin na pag-ulan sa ilang mga lugar a lalawigan ng Pangasinan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Raymondo Santos, Head ng Sta. Barbara Municipal Disaster Risk Reduction ang Management Office, sinabi nito na bagamat unti-unti na ring bumababa ang lebel ng tubig sa Sinocalan River, ay hindi sila tumitigil sa ginagawa nilang pagmonitor sa kalagayan ng naturang ilog upang matyak ang kaligtasan ng bawat residente.

Saad pa nito na ang kritikal na lebel ng tubig sa ilog ay 7 meters above sea level, kung saan ay una silang naitala ang pagtaas na 6.9 meters above sea level, subalit bahagyang bumaba ito sa 6.7 meters above sea level nang bumaba na rin ang lakas ng agos ng tubig.

Aniya na nakakaranas pa rin ang kanilang bayan ng maulap na papawirin at mga pag-uulan, kaya naman ay mahigpit nilang binabantayan ang mga Brgy. Sonquil, na mayroong mga sitio na underwater at gayon na rin sa Brgy. Dalongue na katabi nito.

Gayunpaman ay wala pa silang inililikas na mga residente subalit nananatili naman silang nakaantabay na umalalay sa mga ito sa lalong madaling panahon kung kinakailangan.

Nananatili namang maaaring madaanan ang mga pangunahing kakalsadahan sa kanilang bayan at wala pa silang anmang naitatalang problema sa trapiko.

Sa ngayon ay patuloy naman silang nakikipagugnayan sa kanilang Municipal Agriculturist office upang makakuha ng inisyal na datos kung mayroong napinsala o natamong danyos ang sektor ng pagsasaka sa kanilang bayan.