-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Dinakip ang isang laborer nang maaksidente matapos barilin ang isang negosyante sa Provincial Road na bahagi ng Bagahabag, Solano, Nueva Vizcaya.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) ang pinaghihinalaan ay si Gerald Bausel, 37-anyos at residente ng Kasibu, Nueva Vizcaya.

Ang biktima ay si Philip Gonzales, 45-anyos, negosyante at residente ng Bagahabag, Solano, Nueva Vizcaya.

Sa pagsisiyasat ng mga otoridad, lulan ang biktima ng kanyang motorsiklo at patungo sa isang quarry site sa naturang Barangay nang biglang harangin ng pinaghihinalaan na sakay din ng motorsiklo at pinagbabaril si Gonzales gamit ang isang Caliber 45 pistol.

Tinamaan sa katawan ang biktima ngunit nagawa nitong imaneho ang kanyang motorsiklo at bumalik sa isang gasoline station ngunit hinabol pa rin siya ng pinaghihinalaan.

Sa paghabol ng pinaghihinalaan ay tinangka nitong mag-overtake sa biktima nang makarating sa pakurbang bahagi ng daan ngunit nabangga nito ang isang Van na minaneho ni Gerald Nabehet, residente ng Darubba, Quezon, Nueva Vizcaya.

Nagtamo ng sugat sa katawan ang pinaghihinalaan at dinala sa ospital gayundin ang biktima dahil sa mga tama ng bala ng baril sa kanyang katawan.

Nakuha sa pinaghihinalaan ang isang Caliber 45 pistol na may isang magazine at may pitong bala.

Ang pinaghihinalaan ay inaresto sa ospital at inihahanda na ang kaso laban sa kanya.