-- Advertisements --

Kinumpirma ng anak ni Claire dela Fuente na si Gregorio “Gigo” de Guzman na na-cremate na ang labi ng Original Pilipino Music (OPM) icon.

Ito’y sa pamamagitan kanyang Instagram kagabi, o isang araw lamang matpos sumakabilang buhay ng tinaguriang Jukebox Queen sa edad na 62 matapos inatake sa puso at na-diagnose rin na positibo sa Coronavirus Disease (COVID).

Nabatid na mandato ng Department of Health (DOH) na i-cremate ang lahat ng mga pumanaw na may deadly virus upang hindi na makapanghawa pa.

COVID positive rin si Gigo kaya hindi siya masyadong makalapit sa ina noong mga huling sandali sa bahay bago isugod sa ospital.

Wala namang nabanggit si Gigo hinggil sa plano na magdadaos sila ng online lamay para sa mga tagahanga at malalapit na kaibigan ng namayapang music icon.

Kung maaalala, isa si Gigo sa mga naugnay ang pangalan sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.

Namayagpag ang karera ni Dela Fuente noong dekada ’70 at ’80 kasama ang mga kasabayang sina Imelda Papin at Eva Eugenio.

Siya rin ang nagmamay-ari ng Philippine Corinthian Liner Corp. bus company at ilang sea food restaurant.