Natunton at natukoy na rin ang labi ng nasawing lider ng Hamas sa Gaza na si Mohammed Sinwar.
Kinumpirma ng Israeli Defense Forces (IDF) na nadsikubre ang katawan ni Sinwar sa isang tunnel sa ilalim ng European hospital sa southern city ng Khan Younis.
Natukoy ang pagkakakilanlan ng Hamas leader sa pamamagitan ng DNA checks, bagamat sa ngayon hindi pa ito kinukumpirma sa publiko ng kampo ng Hamas.
Ayon kay IDF spokesperson BGen. Effie Defrin, natagpuan nila ang katawan ni Sinwar sa isa sa mga silid sa mahaba at makitid na tunnel.
Matatandaan, napaslang si Sinwar sa inilunsad na air strike noong Mayo 13 na ayon sa defense agency na pinapatakbo ng Hamas ay kumitil ng 28 na katao at ikinasugat ng dose-dosenang indibidwal.
Natagpuan ang labi ni Sinwar sa tabi ng napatay din na commander ng Hamas Rafah Brigade na si Mohammed Sanabeh.
Natagpuan din ang ilang mga gamit nina Sinwar at Sabaneh sa lugar kasama ang intelligence findings na trinansfer o inilipat na ng Israeli Defense Forces para sa karagdagan pang imbestigasyon.