KORONADAL CITY – Lalo pang umiinit sa ngayon ang away sa pagka-gobernador ng magkamag-anak na Mangudadatu sa probinsiya ng Sultan Kudarat habang papalapit ang May 2022 election.
Ito ay matapos na pinanigan ng COMELEC 1st Division ang ihinaing petition for cancellation ng dating beauty queen na si Sharifa Akeel-Mangudadatu laban sa COC ng nag-iisang katunggali nito sa pagka-gobernador na si Datu Pax Ali Sangki Mangudadatu na pamangkin ng kanyang asawang si Congressman Toto Mangudadatu.
Sa eklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Ret.Judge Lorenzo Balo, kasalukuyang provincial legal officer ng Sultan Kudarat, hindi pa pinal ang nasabing desisyon dahil binigyan pa ng pagkakataon na maghain ng Mition for Reconsideration si Datu Pax Ali.
Naniniwala si Judge Balo, na ang nasabing resolution ay hindi pa ikinokonsiderang”final and executory” at aapela pa ang kampo ni Datu Pax Ali.
Napag-alaman na kinuwestiyon ng kampo ni Sharifa ang residency ni Datu Pax Ali na dating alkalde ng Datu Abdullah Sangki, Maguindanao.
Maliban kay Sharifa Akeel-Mangudadatu, naghain din sina Azel Mangudadatu at Bai Ali Untong ng kaparehong petition.
Si Datu Pax Ali ay anak ng kasalukuyang gobernador ng Sultan Kudarat na si Governor Teng Mangudadatu at Maguindanao Governor Bai Miriam Mangudadatu.