LA UNION – Kasabay ng huling araw sa buwan ng Oktubre noong Sabado, Oktubre 31, 2020 muling nakapagtala ng mataas na kaso ng COVID 19 ang lalawigan ng La Union.
Base sa datus na inilabas ng Provincial Government of La Union (PGLU) at pagkumpirma ng Department of Health-Center for Health Development 1 (DOH-CHD1), umabot sa 21 ang naitalang mga bagong kaso ng COVID 19.
Pinakamaraming kaso ang naitala sa bayan ng Agoo na aabot sa 13; tatlo sa Rosario; dalawa sa San Juan at dalawa din sa San Fernando city; habang isa naman sa bayan ng Burgos.
Mayroon pang 43 mga active cases mula sa kabuuang kumpirmadong kaso na 472.
Nananatili naman sa bilang na 413 ang mga recoveries at 16 ang patay dahil sa kumplikasyon sa sakit na COVID 19.
Samantala, ayon sa anunsiyo ng lokal na pamahalaan ng San Fernando, ang dalawang panibagong kaso sa syudad ay kinabibilangan ni Patient #213, 25-anyos na lalaki at kawani ng Philippine Coastguard, na kasalukuyang naka-isolate sa Coast Guard Station sa Barangay Poro.
Habang si Patient #214 ay isang 35-anyos na lalaki, residente ng Barangay Parian (Zone 4) at kasalukuyang nakaadmit sa Ilocos Training and Regional Medical Center (ITRMC).