LA UNION – Kinumpirma ni Caba, La Union Municipal Councilor Donna Crispino na maayos na ang kalagayan ng kanyang kalusugan pati na rin ng kanyang asawa na si Mayor Philip Crispino matapos na mag-positibo sa COVID-19.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa konsehala, sinabi nitong apat na araw na lang ang kanilang kailangan na igugol sa 14-araw na quarantine period.
Aniya, mild symptoms lamang ng COVID-19 ang mayroon sila.
Bilang mga opisyal ng pamahalaan, iginiit ng konsehala na obligasyon nilang ipabatid sa kanilang nasasakupan ang kanilang kondisyon.
Bukod dito, nais din aniya nilang malaman ito ng kanilang mga nakasalamuha upang sa gayon makagawa na rin ang mga ito ng nararapat na hakbang para huwag nang kumalat pa ang sakit.
Sa kabilang dako, umaapela ang konsehala na itigil na ang diskriminasyon sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Nagpasalamat naman din ito kay Gov. Pacoy Ortega III dahil sa agarang pagbibigay ng ayuda sa kanilang mga kababayan sa Caba ng ngayon ay naka-lockdown.