Nagbabala ang state weather bureau na umabot na sa 70% ang posibilidad na mabuo ang La Niña dahil sa patuloy na paglamig ng sea surface temperatures sa central at eastern equatorial Pacific (CEP).
Ayon sa ahensiya, posibleng magsimula ang La Niña sa pagitan ng Oktubre-Nobyembre-Disyembre ng kasalukuyang taon at maaaring magtagal pa hanggang Disyembre 2025 hanggang Pebrero 2026.
Dahil dito, naglabas na ang ahensya ng La Niña Alert.
Matatandaan na noong Agosto, nagpalabas na ng La Niña Watch ang state weather bureau matapos tumaas sa mahigit 55% ang posibilidad na mabuo ito.
Batay sa kasaysayan, ang La Niña ay madalas na nagdudulot ng mas mataas na bilang ng bagyo sa pagtatapos ng taon.
Sa pinakahuling forecast, may mas mataas na tsansa ng above-normal rainfall sa malaking bahagi ng bansa dahil sa iba’t ibang weather systems na nagdadala ng mga pag-ulan tulad ng habagat, malalakas na thunderstorm, low pressure areas (LPAs), easterlies, shearlines, at intertropical convergence zone (ITCZ).
Ang mga sistemang ito ay maaaring magdulot ng baha at pagguho ng lupa sa mga bulnerableng lugar.
Kaugnay nito, hinimok ng ahensiya ang publiko na maging handa at magpatupad ng mga kaukulang pag-iingat laban sa mga posibleng epekto ng pagbaha at landslide dulot ng La Niña.