Dalawa pang Pilipino ang kasama sa listahan ng mga natukoy na bangkay na narekober mula sa Maui wildfire sa Lahaina, Hawaii kaya umabot na sa anim ang bilang ng mga kumpirmadong Pinoy na nasawi.
Opisyal na kinumpirma ng Maui County ang pagkakakilanlan nina Salvador Coloma, 77, mula sa Ilocos, at Carlo Tobias, 54, kabilang sa anim na pangalan na ibinunyag sa publiko ng mga awtoridad.
Si Salvador Coloma ay bahagi ng grupo ng siyam na pamilyang naiulat na nawawala.
Pinaghahanap pa rin ng mga awtoridad ang walong miyembro ng pamilya ni Coloma, kabilang ang kanyang asawa na si Lydia Coloma, pati na ang kanyang mga kamag-anak na naiulat rin na nawawala.
Na-update ng mga awtoridad sa Maui ang bilang ng mga nawawalang indibidwal na umabot na sa mahigit sa 1,100 na mga indibidwal.
Sa ngayon, ang Federal Bureau of Investigation ay humihingi ng tulong sa mga miyembro ng pamilya sa pagtukoy sa labi ng mga nasawi sa naganap na malawakang wildfire sa Hawaii.